Sinuspinde na ni Manila City Mayor Isko Moreno ang lahat ng uri ng aktibidad para sa nalalapit na Mahal na Araw habang nasa pandemya pa rin ang Pilipinas.
Kabilang sa mga pangunahing ritwal na ipinagbawal idaos ay ang penitensya, Visita Iglesia at caridad. Karaniwang nag-uumpisa ang Mahal na Araw sa Pilipinas sa Marso 29.
Iginiit ni Moreno na dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso, tama lang na pigilan muna ang pagsasagawa ng mga aktibidad na hahatak ng maraming tao na magkukumpulan na posibleng maging “superspreader” ng virus.
Hindi na rin umano kaya pang makipagsapalaran ng lungsod dahil sa nararamdaman na ng mga pagamutan ang bigat ng pagdami ng mga pasyente. Kabilang sa mga pampublikong pagamutan sa lungsod ay ang Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Gat Andres Bonifacio Medical Center, Justice Abad Santos Memorial Medical Hospital, at Ospital ng Tondo.