Alas-8 ng umaga pa nagsimulang pumila si Ralph Lorence Riego sa isang tanggapan ng Pag-IBIG Fund pero pasado alas-11 na ng umaga’y hindi pa rin siya natatawag.
Isa ito sa dahilan kung bakit umapela si Pag-IBIG Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti sa mga miyembro na mag-apply ng loan applications online imbes na pumunta sa mga opisina.
Isa umano itong paraan para makaiwas sa dami ng tao, na maaaring maging sanhi ng pagkahawa sa COVID-19.
Pero para sa maraming miyembro, mas mainam na pumunta sa opisina dahil mas madali at mabilis raw ang proseso.
Samantala, naka-pilot testing ngayon sa 2 kompanya ang programang online filing na direkta na sa employer ang loan applicaton ng empleyado para mabilis ang approval.
Pero dahil maraming Pilipino ang walang access sa internet o hindi marunong mag-online, hindi pa muna aalisin ng Pag-IBIG ang face-to-face o manual transaction.