Tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi buong araw kundi limitado lamang ang oras na ilalagi ng mga mag-aaral sa eskuwelahan sakaling payagan na ang pagkakaroon ng face-to-face classes.
Ayon kay Roque, bagaman at pag-uusapan pa lamang sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang isyu, hindi nangangahulugan na limang araw sa isang linggo o walong oras sa isang araw papasok ang mga estudyante.
Sinabi niya na posibleng kumbinasyon na module, computer-aid at face-to-face ang ipatutupad depende sa mapapagkasunduan.
Dagdag niya na iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na ang Pilipinas na lamang sa buong mundo ang wala pang face-to-face na klase.
Matatandaan na inaprubahan na ng IATF ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa o halos walang kaso ng COVID-19 pero ipinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte.