Nakatulong ang tradisyunal na halamang gamot na lagundi sa pagpapabilis ng paggaling ng ilang kaso ng COVID-19 mula sa mild symptoms, ayon sa isinagawang lokal na trials ng gobyerno.
Ayon kay Department of Science and Technology Secretary Fortunato Dela Peña, 278 pasyente mula sa sari-saring quarantine facilities ang lumahok sa pag-aaral. Kalahati ang pinagamit ng lagundi habang ang nalalabi ay hindi.
Wika ni Dela Peña, “Lahat naman sila’y gumaling. Ang pagkakaiba lang po nila, unang-una, iyong mga nag-lagundi, madaling nagbalik iyong kanilang pang-amoy.”
Aniya, “Iyon pong mga sintomas nung mga nag-take ng lagundi ay mas unang nawala iyong mga sintomas. Pero ang kanilang kabuuang finding eh pare-pareho silang umabot ng between 7 [to] 8 days bago maka-recover at wala naman pong naging adverse effect.”
Ilan sa mga kilalang sintomas ng COVID-19 ang pagkawala ng amoy matapos dapuan ng virus.