Prayoridad ng gobyerno na mabigyan ng bakuna ang Metro Manila o National Capital Region at 10 iba pang lugar sa bansa na mataas ang bilang ng COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “equitable distribution” ng bakuna at prayoridad ang mga lugar na nakakaranas ng “surge” o pagtaas ng kaso.
Kabilang sa tinatawag na “NCR Plus 8” ang Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal.
Hindi naman binanggit ni Roque kung ano pa ang dalawang lugar na kukumpleto sa NCR Plus 10.
Tiniyak din ni Roque na tinutugunan ng national government ang problema ng mga lugar na nagkakaroon ng “surge” katulad ng Iloilo.
Samantala, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na kabilang sa “Plus 10” kung saan tumataas ang kaso ng COVID-19 ay ang Region 1 hanggang 6, Regions 8 hanggang 11, at CARAGA.