MMDA, magtatayo ng ferry terminal sa Marikina River

Target ng Metro Manila Development Authority na mapalawak pa ang operasyon ng Pasig River Ferry Service at makapagtayo ng ferry terminal sa Marikina River.

Sa kanyang pagbisita kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa Marikina City Hall noong isang linggo, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos Jr. na isang mas mabilis na uri ng transportasyon ang ferry service at malaki aniya ang maitutulong nito sa lungsod sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko.

Ayon kay Abalos, sa kasalukuyan, ang ferry service ng MMDA ay libre pa rin kaya’t hinikayat ang publiko na tangkilin ito.

Panawagan pa ni Abalos, “Iyong tinatawag naming ferry boat ng MMDA kasi ay libre sa ngayon. Baka puwede na ho dito sa Marikina para sa mga taga-Marikina, Rizal, San Mateo, mag-pe-ferry papuntang Maynila; hindi na kayo makikipagbunuan sa traffic.”

Ani Abalos, si Teodoro ang magsasabi sa MMDA sa istratehikong lokasyon para maitayo ang ferry terminal sa Marikina River.

Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/metro/2021/01/22/2072114/mmda-magtatayo-ng-ferry-terminal-sa-marikina-river

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.